4 Abril 2020 – Pormal nang naging miyembro ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) ng InterAgency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease o IATF-EID, na siyang nangunguna sa laban ng gobyerno kontra COVID-19.

Sa ilalim ng IATF Resolution no. 17, itinilaga ang ARTA na kasapi ng task force na siyang magsisiguro ng maayos na daloy ng serbisyo ng gobyerno sa gitna ng krisis pangkalusugan na kasaukuyang kinakaharap ng bansa.

“Isinasama na po ang ARTA bilang kasapi ng IATF para matulungan po tayo sa pagtanggal ng red tape sa ating mga procedures and processes”, saad ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa isang IATF Briefing.

Bago pa man makasali sa IATF, may mga hakbang na ang ARTA upang masiguro ang agarang solusyon sa mga problemang dulot ng COVID-19.

Isa sa mga ito ay ang pakikipag-ugnayan sa Food and Drug Administration (FDA) at Bureau of Customs (BOC) upang ilunsad ang Bayanihan One-Stop Shop (BOSS) sa lunes, ika-6 ng Abril, 2020 sa pamamagitan ng Joint Memorandum Circular No. 1 ng ARTA, FDA, at BOC. Sa BOSS, magkakaroon ng online single window na tatanggap ng mga aplikasyon para sa importasyon ng mga kritikal na kagamitan na kailangan laban sa COVID-19. Magkakaroon ng end-to-end
processing ang FDA at BOC upang mas mapabilis ang pag-apruba ng mga aplikasyon. Ibig sabihin, mula sa filing ng aplikasyon para makakuha ng License to Operate (LTO) hanggang sa pagbabayad at sa releasing ng dokumento, lahat magagawa na online. Sa tulong din ng BOSS, ma-momonitor ng mas maayos na daloy ng supply at delivery ng mga Personal Protective Equipments (PPEs) at iba pang medical supplies.

“Kumikilos po tayo para mawala ang pangamba ng tao patungkol sa patuloy na red tape sa gobyerno. Katulong po ninyo kami sa pagbibigay ng solusyon sa krisis na ito”, giit ni DG Belgica.

Naglabas din ang ahensiya ng ARTA Advisory 2020-01 noong nakaraang linggo na nagbibigay suhestiyon sa mga ahensya ng gobyerno kung paano mas mapapadali ang kanilang mga proseso at sistema.

“Gusto nating masiguro na makakarating ang tulong ng ating pamahalaan sa bawat Pilipino na nangangailangan nito. Sa panahon ngayon, dapat nating alisin ang mga sagabal sa gobyerno”, pagtatapos ni ARTA Director General Jeremiah Belgica.

[END]