Buong puwersang humarap ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang tumugon sa imbitasyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa pamumuno ng bagong talagang Director General (DG) Atty. Jeremiah Belgica. Dumulog ngayong umaga sina LTFRB Chairman Martin Delgra III at ang dalawang LTFRB Board Members na sina Engr. Ronaldo F. Corpus at Retired General Antonio N. Gardiola, Jr., upang ipaliwanag ang kanilang posisyon tungkol sa isyu ng application at registration ng prangkisa ng mga transport network vehicle services (TNVS).

Ang mga issues at concerns ng TNVS operators at drivers sa pagkuha ng kanilang provisional authority at certificate of public convenience, at pagbabawal sa mga hatchback operators at drivers na maging licensed TNVS, ang ilan sa mga isyung prinesenta ng LTFRB sa pakikipagusap nila kay DG Belgica, kasama sina Deputy Director General (DDG) Ernesto V. Perez at ang legal team ng ARTA. Ang magkabilang panig ay pinagsusumite ng kanilang position paper upang makapagbigay ng ulat rekomendasyon sa Tanggapan ng Pangulo tungkol sa isyung ito.

Matatandaan na nagkaroon ng serye ng public consultations na dinaluhan ni DDG Perez. Noong nakaraang Sabado, humarap siya sa mga kinatawan ng TNVS community, sa pangunguna nina Laban TNVS Chairman Jun De Leon at Defend Job Philippines Executive Director Christian Yamzon, upang dinggin ang kanilang hinaing.

Ang aming opisina rin ay naimbitahan sa nangyaring #LabanTNVS Transport Holiday noong Lunes sa Quezon City Memorial Circle na dinaluhan rin ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada at Department of Transportation OIC-Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Richmund M. De Leon, na sinundan naman ng isa pang dayalago na inorganisa ng LTFRB noong Martes upang making sa magkabilang panig.

Ang Anti – Red Tape Authority ay naninindigan sa kanilang mandato na maitaguyod ang mabilis na proseso at magandang serbisyo ng gobyerno para sa mamayang Pilipino. Ito ay aming ginagawa kasabay ng matinding preparasyon at pagsasapinal ng implementing rules and regulations ng Republic Act 11032 o “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018”, na siyang magiging pundasyon ng aming misyon na puksain ang red tape sa gobyerno.

Sinisugurado din ng pamunuan ng ARTA na kami ay hindi matatakot na sitahin, pagsabihan at imbestigahan ang mga ahensya ng gobyerno na patuloy na lalabag sa batas. Ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na puksain ang korapsyon sa sistema ng gobyerno, at tanggalin ang mga prosesong nagpapahirap sa ating mga kababayan. Ang red tape ay matagal nang isyu sa ating burukrasya na siyang humahadlang sa pag-unlad ng ating bansa, at layunin namin na matugunan ang perwisyong nararanasan ng taumbayan nang hindi sinasakripisyo ang serbisyong nararapat para sa publiko.

Bukas ang aming tanggapan kung kayo po ay patuloy na nakakaranas ng pahirap sa mga transaksyon ninyo sa gobyerno.

Narito ang ARTA upang bigyan kayo ng solusyon at aksyon.

[END]