Huli sa isang entrapment operation ang dalawang empleyado mula sa Office of the Building Official (OBO) ng Taguig City.

Magkasanggang isinagawa ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) and nasabing operasyon matapos may matanggap na reklamo ang ARTA mula sa isang nag-a-apply sa OBO. Ayon sa biktima, ilang libo na din ang nakuha sa kanila ng mga suspek na nagpapabayad at nagpapalagay.

Kasama sa mismong operasyon si PACC Commissioner Greco Belgica na pinuntahan sa SM Aura Office Tower ang dalawang suspek. Samantala personal na inihatid naman ni ARTA Director General Jeremiah Belgica ang mga suspek sa presinto ng Taguig na kasalukuyang iniimbestigahan ng mga otoridad.

Ang fixing ay isa sa mga paglabag sa ilalim ng R.A. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na may kaparusahan na administrative at criminal liability kung saan ang mapapatunayang lalabag ay mapapatalsik sa serbisyo, matatanggalan ng retirement benefits, makukulong ng mula isa hanggang anim na taon, at magbabayad ng hindi bababa sa P500,000.

“Tuloy-tuloy po ang ating reporma laban sa red tape, laban sa fixers. Kung hindi po kayo magbabago ay tuluyan po kayong masasagasaan ng reporma ng ating administrasyon”, aniya ng ARTA DG.

Matatandaan na nitong nakaraang mga buwan ay nagsagawa na ng entrapment operation ang parehong ahensiya kung saan nahuli din nila ang isang fixer mula naman sa LTFRB at sa LTO. Samantala, ang ARTA ay patuloy na nagsasampa ng kaso sa mga inirereklamo at napapatunayang lumalabag sa R.A.11032.

Payo naman ng mga otoridad sa publiko na iwasan na ang mga fixer upang hindi na masangkot sa gulo.

[END]